Nagpakilig sina Dustin Yu at Bianca De Vera matapos silang bumida sa music video ng kantang “Kinakabahan” ng bandang Lily, na kanilang first project matapos lumabas sa Bahay ni Kuya.

Sa ulat ni Athena Imperial sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nanood sina Dustin at Bianca ng premiere ng music video sa isang music bar sa Quezon City Martes ng gabi.

Nanggaling pa ang “DusBia” sa acting workshop para sa upcoming movie nilang “Love You So Bad.”

“Pinagtrabahuhan talaga namin ito ni Bianca and of course with Lily. Naging collaborative lahat at excited ako na mapanood ng mga tao ito. And of course, super proud ako kay Bianca kasi binigay niya 'yung best niya dito sa project nito,” sabi ni Dustin.

“Hindi naman mangyayari ito kung wala 'yung suporta ng aming DusBia family. Sobrang proud din ako kay Dustin because the friendship that we have built inside the house, we carried it on up until the outside world,” sabi ni Bianca.

Super kilig ang DusBia fans nang mapanood ang chemistry nina Bianca at Dustin sa eksena.

Ayon sa producer at director ng music video na si Leo Nicolas, madaling katrabaho sina Dustin at Bianca dahil sa kanilang natural closeness.

“Abangan niyo. Gusto ko lang sabihin behind the scene nako hindi kami magka-umayaw sa kilig. Actually 'yung trabaho namin parang na-less na eh, kasi hindi na kami nagdi-direct eh,” sabi ni Albert Nicolas na siyang music video assistant director.

“Parang siyang documentation not producing. Kasi talagang grabe 'yung dalawa. As in, hinahayaan namin sila nagro-roll lang 'yung cameras at very natural talaga,” sabi ni Leo.

Sinabi ng bandang Lily na “perfect” sa kanta ang collab nila sa DusBia at perfect din ang kanta para sa dalawa.

“‘Yung 'Kinakabahan' is about your first crush and kaya ka kinakabahan kasi hindi lang pala crush, mahal mo na pala. Kahit ilang beses na naming pinanood, iba pa rin 'yung timeless 'yung kilig,” sabi ni Joshua Bulot, vocalist ng Lily.

Mapanonood sa Setyembre 11 sa YouTube ng bandang Lily ang music video na pinagbibidahan nina Dustin at Bianca. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News