Nagpakilala si Claudine Barretto bilang si “Claudine Barretto Yan,” na bahagi ng pamilya ng namayapa niyang dating nobyo na si Rico Yan. Ngunit paglilinaw niya, hindi siya bahagi ng pamilya Yan bilang isang "in law."
Sa Instagram, ibinahagi ni Claudine sa isang video na natanggap na niya ang pagkawala ni Rico na sinamahan niya ng lumang footages ng mga mahahalagang sandali na magkasama sila. Sinamahan niya din ito ng awiting "Sa Susunod na Habang Buhay" ng Ben&Ben.
Sa caption, pinarangalan ni Claudine ang nanay ni Rico na si Sita, na sinabi niyang sa wakas ay tinanggap na siya bilang anak nito.
“It's not about Rico anymore," panimula ni Claudine. "It’s about my love and relationship with his Mom, who now accepted me as her daughter.”
Ayon kay Claudine, “real sisters,” na rin sila ng kapatid ni Rico na sina Tina Marie at Geraldine.
“I can now say I am not just Claudine Barretto. I am now Claudine Barretto Yan, not a sister-in-law not a daughter-in-law but Sita Yan's Daughter,” sabi ni Claudine.
Inihayag pa ni Claudine sa ipinaparamdam sa kaniya ni Mommy Sita ang pagmamahal nito araw-araw.
“What once was just forgiveness is now a real family,” sabi niya.
Tinapos ng aktres ang kaniyang post, at sinabing makakapagpahinga na si Rico sa kapayapaan dahil pangangalagaan na ng kaniyang pamilya ang isa’t isa.
“RY you can now rest Hun. We now have each other to take good care of. You can now fly with your beautiful dimple faced smile,” sabi ni Claudine.
“As I let u go, I carry all the luv and beautiful memories with me in my heart till infinity and beyond.Rest now my sweet Prince. I love you,always have and forever till eternity and beyond will,” pagtatapos niya.
Pumanaw si Rico sa cardiac arrest dahil sa acute hemorrhagic pancreatitis noong Marso 2002 sa edad 27-anyos.
Sa paggunita ng kamatayan ng aktor noong 2024, nag-post si Claudine ng katagang: “March 29 my heart stopped,” na may kasamang broken heart emojis.
Madalas mag-post si Claudine tungkol kay Rico sa social media. Noong 2021, ibinahagi niya ang sweet na love letter ni Rico para sa kaniya. Binibisita rin niya ang puntod nito at ipinagdiriwang ang kaarawan ng namayapang aktor.
Sa isang 2018 appearance sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," inamin ni Claudine na nagkakaroon siya ng panic disorder, na ayon sa kaniya ay resulta ng labis na stress sa trabaho, pagkamatay ni Rico, at ang kahihiyang dulot ng mga ito.
Ilan sa mga pelikula nina Claudine at Rico ang "Got 2 Believe" at "Flames: The Movie." Napanood din ang kanilang loveteam sa series na "Mula sa Puso." – Jade Veronique Yap/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News

