May karugtong ang "hearing" ng gag show na “Bubble Gang.” Matapos ang pagdalo sa pagdinig ni “Ciala Dismaya,” ipinasilip naman ngayon na ang susunod na haharap sa komite ay ang mister nito na si “Cornee Dismaya”

Sa Instagram Reel ng comedy show, makikita na magkaakbay na naglalakad ang mag-asawang Cornee at Ciala.

“May makakasama na siya sa susunod na hearing!” saad ng Bubble Gang sa caption.

 

 

Si Michael V o Bitoy ang gumanap sa nakaraang episode bilang si Ciala, habang hindi pa ipinapakilala kung sino ang gumanap na si Cornee sa susunod na episode.

Sina Ciala at Cornee at spoof characters mula sa pagdinig na ginagawa ng Senate blue ribbon committee, kung saan dumadalo ang mag-asawang kontratista na sina Pacifico "Curlee" at Sarah Discaya, kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.

Sa naunang panayam, sinabi ni Bitoy na layunin ng ginagawa nilang sketches ang magpasaya at magbigay ng awareness sa mga nangyayari ngayon sa bansa.

"Feeling ko, kung makakatulong 'to sa pag-create ng awareness sa mga totoong nangyayari, sa issue na nangyayari sa bansa natin, e 'di sige. By all memes," saad niya

Inihayag din niya na layunin niya sa kaniyang ginagawa ang maghatid ng mensahe at “mamulat” ang mga manonood.

Nauna nang sinabi ng abogado ni Sarah Discaya na hindi galit ang kaniyang kliyente sa ginagawang pag-spoof sa kaniya ni Michael V.

Mapapanood ang “Bubble Gang” sa Linggo, September 28, sa ganap na 6:10 p.m.— mula sa ulat ni Nika Roque/FRJ GMA Integrated News