Bukod kay “Cornee Dismaya,” may iba pang makakasama si “Ciala Dismaya” sa upcoming episode ng "Bubble Gang!" sa Linggo.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, ipinasilip ng iconic comedy show ang mga bagong karakter nina "Senator Tolpu," na gagampanan ni Paolo Contis, at "Cong. Kikoy," na gagampanan ni Kokoy De Santos.
Nauna nang ipinasilip ng Bubble Gang ang karakter ni "Cornee Dismaya," na gagampanan ni EA Guzman, na asawa ni Ciala, na ginagampanan ni Michael V o Bitoy.
Ang mga karakter ay mula pa rin sa isinasagawang magkahiwalay na imbestigasyon ng Senado at Kamara de Representantes tungkol sa alegasyon ng katiwalian sa paggamit ng pondo mula sa flood control projects.
Nauna nang sinabi ni Bitoy na bukod sa makapagpasaya, ang ginagawa niyang comedy sketches ay isang paraan para makapagpamulat sa mga tao ng nagaganap sa bansa.
"Feeling ko, kung makakatulong 'to sa pag-create ng awareness sa mga totoong nangyayari, sa issue na nangyayari sa bansa natin, e 'di sige. By all memes," saad niya.
Mapapanood ang "Bubble Gang" tuwing Linggo sa ganap na 6:10 p.m. sa GMA Network. —FRJ GMA Integrated News
