Sa muling pagbisita ni Ashley Ortega sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, hindi siya nagbigay ng detalye tungkol sa relasyon nila ng kaniyang ina na inamin niya noon na nakatampuhan niya.
Gayunman, inihayag ng Sparkle star na lagi niyang ipinagdarasal ang kalusugan at kaligayahan ng kaniyang nanay.
"'Yung lagi kong dasal kay mama is to have peace of mind, is to have good health, to find peace. 'Yun lang lagi, as in paulit-ulit. Lord, please give her peace of mind, to have peace, and to have good health, 'yun lang paulit-ulit, Tito Boy. I just want her to be happy, to be genuinely happy," sabi ni Ashley.
Hindi raw siya mapapagod na ipagdasal ang kaniyang ina.
"Everyday she's always part of my prayers," dagdag niya
Nitong nakaraang Hunyo, inilahad ni Ashley sa panayam ng GMA Integrated News na hindi pa sila nagkakausap ng kaniyang ina sa kabila ng pagtatangka niyang makausap na muli ito.
"Sobrang tagal rin kasi ng three years na hindi pag-uusap and malalim rin po talaga ‘yung sugat na nabigay namin sa isa’t-isa,” saad niya. “[I’m] always reaching out pero baka need time pa."
Sa pagpasok niya sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition," ibinahagi ni Ashley ang tungkol sa tampuhan nila ng kaniyang ina, at umaasa siyang mapapatawad siya nito sa pag-alis niya sa kanilang bahay.
Bago siya mapalabas sa Bahay ni Kuya, nakatanggap si Ashley ng sulat mula sa kaniyang ina na labis na ikinatuwa ng aktres.
Nang makalabas na sa PBB, nagdala si Ashley ng bulaklak sa bahay ng kaniyang ina pero walang tao nang dumating siya. —FRJ GMA Integrated News
