Ipinakilala na ang ikatlong pares ng housemates na papasok sa Bahay ni Kuya sa “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0.”
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News “24 Oras" nitong Huwebes, ipinakilala ang “Fighting Prince ng Taguig" na si Sparkle star Heath Jornales at ang “Wishful Waray ng Samar” na si Star Magic young actress Krystal Mejes.
Nagsimula ang karera sa GMA Network ni Heath noon 2020, at napanood siya sa mga Kapuso series na “Encantadia Chronicles: Sang’gre,” “Mga Batang Riles,” at “Lolong: Pangil ng Maynila.”
Samantala, kilala naman si Krystal sa kaniyang role sa Kapamilya series na “Doble Kara.” Napanood din siya sa “Tropang G.O.A.T.” kasama ang isa pang upcoming "PBB" housemate na si Joaquin Arce.
Sa panayam niya kay Nelson Canlas, inamin ni Krystal na hindi naging madali para sa kanya ang desisyong buksan ang kanyang buhay sa publiko.
“That was actually kind of my dilemma, honestly. ‘Cause I’m a very private person and I value privacy, but then, sabi ko kasi, you know, maybe it’s one way of God nudging me to tell my story. Maybe it could inspire other people,” she said.
Gayunpaman, panatag siya sa kanyang naging desisyon.
“I just felt ready. ‘Di ba, sinasabi nila, before any audition kinakabahan ka and everything. But me, I felt excitement. I felt peace. If something is for me, someone is for me, I would always ask God to give me peace. And at that time, I felt nothing but peace and excitement, so I knew that this was for me.”
Naniniwala naman si Krystal na magiging bentahe para sa kanya ang pagiging Waray niya.
“Kasi ang mga Waray, matatapang. Hindi sila madaling matinag,” anang dalagita.
Nang tanungin kung handa na ba siya sa mga drama sa loob ng Bahay ni Kuya, tugon niya, “Definitely ready, but I wouldn’t be the one starting it. Or I wouldn’t really be interfering with it. Whatever happens, happens. And I will just always try my best to do everything and to show up with grace.”
Sinabi naman ni Heath na paraan niya para ipakilala ang kaniyang tunay na pagkatao sa pagsali sa “PBB.”
“Kasi po dumating po ‘yung opportunity and I had to take it na po kasi ito na po ‘yung chance para makilala po ako and makita po ng tao kung sino po talaga ako,” sabi niya. “Gusto ko pong mapakilala sa tao ‘yung Heath na helpful, athletic, kind, caring na action star.”
Handa na rin daw siya sa mga responsibilidad pagdating sa mga gawain sa loob ng Bahay ni Kuya.
“Pina-practice ko na nga sa bahay bago pumunta dito eh. My mom was teaching me how to cook adobo. Para do’n sa loob, I’m gonna try to cook adobo. Tapos cleaning the house, my mom was helping me and teaching me how to sweep properly. Kasi ‘yung pag-sweep ko daw, parang pangit daw ‘yung form ko. So kailangan kong matutunan ‘yung proper form,” dagdag niya.
Nauna nang ipinakilala ang ilan sa mga makakasama nina Heath at Krystal sa PBB na sina Princess Aliyah, Miguel Vergara, Sofia Pablo, at Joaquin.
Mapapanood ang “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0" na tampok ang Gen Z celebrities mula sa Sparkle at Star Magic, simula sa Sabado, October 25. — Jade Veronique Yap/Carby Rose Basina/FRJ GMA Integrated News
