Sa social media post, ipinaalam ni Ellen Adarna sa kaniyang followers ang tungkol sa pakikipagkaibigan niya sa ilan sa mga dating karelasyon ng kaniyang estranged husband na si Derek Ramsay.
Sa kaniyang Instagram Stories nitong Miyerkules, nag-post si Ellen ng larawan kasama si Joanne Villablanca, isa sa mga dating nobya ni Derek, sa pagbubukas ng pinakabagong exhibit ni Jigger Cruz.
“Hi friend,” caption ni Ellen sa kaniyang post habang naka-tag si Joanne at may laugh emoji.
Ni-repost ni Joanne ang larawan nila ni Ellen at idinagdag na, “Well, fancy seeing you here!”
Sa gitna ng pagbubunyag niya ng pagtataksil umano ni Derek sa kaniya at pagkakaroon ng problema sa kanilang pagsasama, sinabi ni Ellen sa kaniyang Instagram Stories nitong Miyerkoles ng gabi na napagkasunduan nilang mga babae na " ako na lang ang spokesperson since I'm the fearless one enough to speak."
“They've actually endured worse than I have, and they gave me their full blessing to raise the banner for all of us,” sabi ni Ellen. “And told them, don't worry, I got you girls.”
Lumabas ang kaniyang mga pinakabagong update kasunod ng reaksyon ni Derek sa isang news content sa Facebook, na inihayag niya na, "I never cursed my wife mam!!! Ellen and I would always prank each other and we never got mad at each other."
Nagdulot ng reaksyon mula kay Ellen ang kaniyang komento, na nagbahagi ng mga audio recording ng kanilang mga away noong 2021 na umano'y nagtaas nga si Derek ng boses.
“Kung magka away man, let's keep it respectful, walang murahan, walang sigawan. Normal lang ang conflict, it takes two to tango, but cursing and shouting should never be part of it," sabi ni Ellen sa isa sa kaniyang mga post sa Instagram Stories.
"I'm no saint and I'm not pretending to be perfect. I know I can be difficult sometimes - minsan I shut down and give the silent treatment, and I understand that can trigger people who are very confrontational," dagdag ni Ellen.
Ibinahagi ni Ellen ang kaniyang rason sa pagbubunyag, na sinabing "Behavior like this—cheating, psychological abuse, disrespect toward women should never be tolerated," aniya.
“When we stay silent, we enable it. Women deserve safety, honesty, and respect, and calling this out is how we break the pattern and demand accountability,” dagdag niya.
Lumikha ng ingay si Ellen sa internet nitong Lunes matapos ibunyag ang pagtataksil umano ni Derek.
Sinabi rin ni Ellen na hindi na sila nagsasama ni Derek.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News

