Nakaharap na nang personal ni Eman Bacosa Pacquiao ang kaniyang celebrity crush na si Jillian Ward.
Kabilang ang boksingerong anak ni Manny Pacquiao sa mga dumalo sa black carpet premiere ng “KMJS: Gabi ng Lagim, The Movie," at doon niya nakita si Jillian na isa sa mga bida sa pelikula.
Nagkamayan ang dalawa at nayakap din ni Eman si Jillian, kasabay ng pagbati ng boksingero sa aktres dahil sa pelikula nito.
Ginawa ni Eman ang pag-amin na crush niya si Jillian sa isang panayam sa "Fast Talk With Boy Abunda," at inihayag din niya ang kagustuhan na makita sana ang aktres.
Kasunod nito, inihayag naman ni Jillian sa hiwalay na panayam ni Nestor Canlas, na naka-follow sila ni Eman sa isa’t isa sa Instagram, at sinabing nais din niyang makilala nang personal ang binata na bagong Kapuso matapos pumirma ng kontrata sa GMA Sparkle Artist.
Bukod kay Jillian, bida sa “KMJS, Gabi ng Lagim: The Movie," sina Sanya Lopez, Miguel Tanfelix, Elijah Canlas, at marami pang iba.
Mapapanood ang pelikula sa mga sinehan simula sa Miyerkules, November 26. — Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News

