Inilahad ni Eman Bacosa Pacquiao na sasalang siya sa training sa Davao nitong Disyembre at Enero para paghandaan ang kaniyang boxing match sa Pebrero 2026.

“Gigising po ako ng 4 o'clock or 3 o'clock in the morning. Tapos magja-jogging po ako ng 15 to 13 kilometers. Tapos magsha-shadow, sit-ups, push-ups,” sabi ni Eman sa Chika Minute report ni Athena Imperial sa 24 Oras Weekend nitong Sabado.

Sa Davao na rin magdiriwang ng Pasko ang 21-anyos na rising boxing star kasama ang kaniyang ina, mga kapatid at amain.

Ayon sa kaniya, simple lang ang kanilang plano ngunit makabuluhan naman.

“Naghahanda lang po kami ng pagkain, tapos watch movies. Gusto ko ibuhos lahat ng oras ko sa pamilya ko hanggang hindi pa ako gano'n talaga ka-busy.”

Bukod dito, abala rin si Eman sa ilang commitment at shoot bilang isang bagong Sparkle artist. Sinabi niyang malaking tulong ang blessings sa kaniyang professional boxing career.

“Para hindi rin po mabigatan masyado ‘yung pamilya ko sa finance po, sa boxing, sa training. Gusto ko lang magpasalamat dahil naniniwala sila sa kakayahan ko.”

Binabalanse rin ni Eman ang pag-aaral sa ilalim ng alternative learning system o ALS ng DepEd.

“Sinasabihan naman po ako ng adviser ko kung mayroong important details sa school. So, hindi naman masyadong complicated. Nagpe-pray lang ako palagi na how to handle everything,” sabi niya. — Jamil Santos/VBL GMA Integrated News