Isang proud boyfriend si Ruru Madrid kay Bianca Umali na sumabak sa matinding fight scenes bilang si Terra laban kay Gargan sa “Encantadia Chronicles: Sang'gre.”
“Saksi ako sa kung gaano kahirap 'yung pagbuo nitong Gargan-Terra fight scene. Actually, it's a month of preparation. Talagang siya 'yung pumunta kina Direk Enzo (Williams), Ms. Suzette (Doctolero), Direk Rico (Gutierrez), para lang maiayos 'yung magiging fight scene. And of course, with the help of action stunt team,” sabi ni Ruru sa Chika Minute report ni Athena Imperial sa 24 Oras Weekend nitong Sabado.
“Pagka pinapanood mo si Bianca, you'll see how dedicated she is and kung gaano niya kamahal 'yung ginagawa niya,” dagdag ni Ruru.
Pareho sina Bianca at Ruru na nagsasanay ng Filipino Martial Arts na Laraw Kali Pamuok sa Laguna.
Ayon kay Ruru, nais nilang palaganapin ang sining panlaban na sariling atin.
“Ang dami kong na-discover na mga art na puwede rin nating ma-i-apply sa kung ano 'yung ginagawa ko sa telebisyon or sa pelikula. And at the same time, 'yung pagpe-preserve ng kultura nating mga Pilipino, ‘di ba?” anang Kapuso Action-Drama Prince.
Nakatuon si Ruru sa mas physical na Panuntukan habang si Bianca, nag-retrain sa paggamit ng balisong para sa self-defense.
“Malaking bagay din ‘to sa mga kababaihang Pilipino to protect ourselves, ‘di ba? Matutunan natin, lalo na sa panahon ngayon,” sabi ni Ruru. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
