Hindi naiwasan ni Rita Daniela na maging emosyonal nang balikan niya ang mga yugto ng kaniyang showbiz career.

Sa isang panayam kay Rita na mapanonood sa Kapuso Showbiz News, binanggit ni Rita ang pagkapanalo niya sa Pop Star Kids noong 2005.

“Dahil doon talagang nagbukas ng doors for me, ‘yung talagang napapanood ko lang sina Ms. Regine (Velasquez) sa TV. Tapos nakasama ko sila sa stage,” sabi ni Rita.

Binanggit din ni Rita ang Kapuso drama series nila ni Ken Chan noong 2018 na My Special Tatay, kung saan gumanap siya bilang si Aubrey.

“And definitely, of course, si Aubrey, very iconic. She's… how do I say it, may hirap siyang alisin sa puso ko. Aubrey opened a lot of doors for me,” sabi niya.

Hindi rin kinalimutan ni Rita na bangggitin si Ken dahil na rin sa nabuo nilang samahan.

“Hindi rin po biro ‘yung nabuo namin ni Ken. And of course, deserve naman din nu’ng may mention ng tao dahil iba-ibang klase ‘yung rapport na nabuo namin and the chemistry and the projects that we did together, and people loved them,” sabi niya.

Pinasalamatan din ni Rita ang kaniyang All-Out Sundays family.

“They will always be part of the highlights of my career. Sila ‘yung kasama ko sa loob ng taon. Every Sunday kami nagpe-perform. And hindi lang siya work eh. I really gained and I built a family and friendships there. And that's very, very important for me,” sabi pa niya. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News