Napatay sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad ang isang lalaki na kabilang umano sa top 5 drug personality sa Barangay San Isidro Galas, Quezon City.
Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News "Unang Balita", sinabing napatay nitong Martes bago maghatinggabi si alyas JR, na nagtangka raw manlaban nang makahalata na pulis ang kaniyang katransaksyon sa droga.
"Based du'n sa investigation namin, kalalabas lang ng kulungan at bumalik ulit sa ganitong transakyon," ayon kay Superintendent Christian dela Cruz, hepe ng Galas Station.
Narekober sa suspek ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu at isang kalibre .45 na baril.
Samantala, napatay naman ng mga salarin na nakamotorsiklo ang isang hindi pa nakikilalang lalaki sa Barangay Pinyahan, Quezon City.
Ayon sa ulat, binaril ang lalaki pasado ala-una ng madaling araw nitong Martes sa isang madilim na eskinita sa Mapagbigay St.
Tumakbo pa raw papasok ng eskinita ang biktima, ngunit naabutan siya ng mga salarin, ayon sa mga pulis.
Nakarinig daw ng tatlong putok ng baril ang mga residente, ngunit hindi nila nakilala ang lalaki.
"May tattoo siya na makikita sa likod niya, may tattoo rin sa braso," pahayag ni Superintendent Christian dela Cruz ng PNP QCPD.
"Malamang shabu 'yan. 'Yung mga shabu dito, kalahating porsyento na lang kaya medyo nagulat na lang kami bakit may dayo," pahayag naman ni Barangay chairman Jun Lipnica. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
