Isang lalaki ang nasawi matapos barilin habang umaawat sa mga nambubugbog sa kaniyang kapatid sa isang beach resort sa Pagadian City sa Zamboanga del Sur.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Joey Agac-ac, isang mangingisda.
Nasugatan din ang isang lalaki na kabilang umano sa nambugbog sa kapatid ng biktima.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing posibleng isa sa mga naliligo sa resort ang maaaring bumaril kay Agac-ac dahil naingayan sa kaguluhan.
Posible umanong napagkamalan ng salarin na ang biktima ang nagsimula ng gulo kaya ito ang kaniyang pinagbabaril.
Patuloy na pinaghahanap na ng mga pulis ang salarin. -- FRJ, GMA News
