Isinugod sa ospital ng mga pulis ang isang lalaki na inabutan nilang naghihingalo sa gilid ng kalsada sa Pagadian City sa Zamboanga del Sur.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing nagtamo ng limang tama ng bala sa katawan ang lalaki na hindi kaagad nabatid ang pangalan.
Gayunman, idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima.
Ayon sa mga pulis, bago makita ng isang motorista ang duguang biktima, nakarinig ng sunod-sunod na putok ng baril ang mga residente sa lugar.
Posibleng galing daw sa inuman ang biktima dahil amoy alak umano ito nang abutan ng mga pulis.
Wala pang lumalapit na kaanak para umangkin sa labi ng biktima at patuloy ang imbestigasyon sa kaso. --FRJ, GMA News
