Nasawi ang apat na katao habang 41 naman ang sugatan matapos bumigay ang isang water tank ng San Jose del Monte (SJDM) Bulacan Water District nitong Biyernes ng umaga at rumagasa ang tubig sa mga kabahayan sa barangay Muzon.
Sa panayam ng GMA News "Balita Pilipinas," sinabi ni Muzon barangay captain Mar Gatchalian, isa sa dalawang batang nasawi ay ang isang-taong-gulang na si Jaina Espina.
Kinilala naman ang iba pang nasawi na sina Elaine Chamzon, 22, at Jimmy Garcia, 50.
Tinatayang 2,000 cubic meters ng tubig ang sumambulat sa mga residente, na kasing-dami umano ng tubig sa isang Olympic-sized swimming pool.
Sa isa namang ulat ng dzBB radio, sinabi na dalawa sa 41 na nasugatan ay kritikal ang kalagayan.
Nag-iwan din ng makapal na ng putik ang malakas na pagragasa ng tubig.
Ayon kay Gina Ayson Su, Disaster Risk Reduction and Management Officer ng SJDM, Bulacan, limang taon na raw ang tanda ng tangke. Pero inihayag ni SJDM Mayor Arthur Robes na pitong taon na ang tanda ng tangke.
Sinabi ni Su na iniimbestigahan na nila ang insidente at inaalam ang sanhi ng pagbigay ng tangke.
Ayon sa mga saksi, nakarinig daw sila ng pagsabog bandang 3:30 ng umaga.
Sinabi ni Police Superintendent Fitz Macariola, San Jose Del Monte police chief, na maraming bahay ang naapektuhan ng insidente.
Sa lakas ng agos ng tubig, ilang sasakyan ang tinangay ng ilang metro ang layo mula sa lugar kung saan ito nakaparada.
Kaagad naman isinagawa ang clearing operation sa lugar, lalo na sa main road, ayon kay Robes.
Hindi pa nilinaw ng alkalde kung problema sa istruktura ang dahilan ng pagbagsak ng tangke.
"Hindi ko masabi, dahil alam mo ang hirap natin mag-speculate until such time na 'yung mga engineering design ay makita ng mga engineer na nagkamali," sabi ni Robes sa dzBB interview kay Allan Gatus.
Tutulungan namang ng Water District ng lungsod ang mga apektadong pamilya at sasagutin ang kanilang mga gastos sa ospital, ayon pa kay Robes.
Ang pagsabog daw ng tubig ay isang "wake-up call" para sa lokal na pamahalaan, ayon pa kay Robes.
Kahina-hinalang disenyo
Sa naunang ulat sa "News To Go", sinabi ni Robes na kahina-hinala umano ang disenyo ng tangke ng tubig.
"Dun lang ako medyo nagdududa, bakit nagkaroon ng pagdudugtong ng walang...design na...but siguro we'll dig deeper on that. Baka hindi niya kaya, based on the design sa ilalim," saad ni Robes.
Sinabi ng general manager ng local water district na idinugtong ang isang karagdagang istraktura sa naunang istraktura para madagdagan ang kapasidad ng tangke at mag-supply ng tubig ng mas malaking populasyon.
"Nung lumaki na yung population, saka namin idinugtong. Pero naka-design siya for 2,000 cubic meters of water," sabi ni engineer Loreto Limcolioc. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
