Arestado ang isang 60-anyos na ginang na isa umanong big-time pusher sa San Jose del Monte, Bulacan, na bukod sa ginagawang shabu tiangge ang kaniyang bahay, naglagay pa siya ng karatula ng store hours ng pagbebenta niya ng droga.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, kinilala ang suspek na si Evelyn Antonio, alyas "Mommy" na dinakip ng mga pulis sa kaniyang bahay sa Barangay Muzon.

Mga pakete ng shabu na may halagang P17,000 ang nakuha mula sa suspek, pati ang buy-bust money.

Sinabing notorious drug personality sa lungsod si Antonio, at matagal na itong minamanmanan ng San Jose del Monte (SJDM) Police.

"Nasa listahan po siya nu'ng isang nahuli namin na big time pusher din po," sabi ni Inspector Roel Medrano, Intel Chief, SJDM Police.

"Nakalagay du'n store hours... Maaari po dahil wala naman akong na kitang ibang negosyo na du'n eh," sabi pa ni Medrano.

Aminado si Antonio sa mga paratang, at sinabing nagawa niya lang ito dahil sa pangangailangan.

"Nakuhanan po ako ng shabu talaga. Aminado ako na nagte-take ako n'yan pero hindi naman talaga as in bisyo." Tinanong ng GMA News kung nagbebenta ang suspek. "Hindi naman... Parang ganu'n na rin," sabi ni Antonio.

Samantala, arestado ang mag-live-in partners na gumagamit ng droga sa San Jose del Monte rin.

Kinilala ang mga suspek na sina Williexon Hugo, isang drug runner umano at Algine Innocencio, na pitong buwang buntis.

"'Yun 'yung time na nawala lang po 'yung linya ko. Panandalian lang naman, 'di naman pang maintain 'yun eh," sabi ni Hugo.

"'Yang mag-asawang 'yan gumagalaw po sila sa mga pabahay, sa Brgy. Muzon," sabi pa ni Medrano.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165.—Jamil Santos/LBG, GMA News