Nakabalik na sa bansa mula sa Doha, Qatar nitong Linggo ng gabi ang ina at mga kaanak ng namayapang aktres na si Isabel Granada.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing kasabay na dumating sa bansa ni Mommy Guapa ang dating mister ni Isabel na si Jericho Aguas at anak nilang si Hubert.
Emosyonal ang ina ng aktres na hindi halos makapagsalita kaugnay ng sinapit ng anak.
Sa Huwebes nakatakdang dumating sa bansa ang mga labi ni Isabel pero wala pa umanong detalye kaugnay ng kaniyang burol at libing.
Mahigit isang linggo sa ospital sa Doha si Isabel matapos mawalan ng malay dahil sa aneurysm hanggang sa pumanaw nitong Sabado ng gabi. -- FRJ, GMA News
