Balik-tambalan sa bagong Kapuso series ang love team nina Gabbi Garcia at Ruru Madrid. Makakasama rin nila ang magiging bagong best friend ng lahat, ang bibong aso na si Serena.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing ipinakilala rin sa story conference ng upcoming series ang iba pang kasama nina Gabby at Ruru na sina AiAi delas Alas, Tonton Gutierrez, Matt Evans, Alyanna Asistio, Kate Valdez at si Janine Gutierrez.
Bago ang familiarization workshop, kabado raw si Ruru na makasama sa set si Serena dahil sa naging karanasan niya sa aso noong bata siya.
"Nakagat ako noong bata ako. Tapos habang lumalaki ako parang iwas na ako sa dog. Pero when I met Siri, grabe parang nawala lahat ng takot ko," ani Ruru.
Natutuwa naman si Gabbi na muli silang magtatambal ni Ruru dahil komportable raw siyang katrabaho ang aktor.
Excited na ang ang cast sa taping lalo na si Janine na madalas na makakaeksena si Serena.
"I cannot wait kasi pakiramdam ko mas magaang sa set dahil may kasamang aso," anang aktres. -- FRJ, GMA News
