Sa nagbabagong panahon ngayon kung saan uso na ang social media, ipinaliwanag ng batikang "24 Oras" newscaster na si Mel Tiangco kung paano ngayon inaabot ng GMA drama anthology na "Magpakailanman" ang kanilang millennial viewers.
"Yes, of course. Of course we do," sagot ni Tita Mel nang tanungin kung ikinokonsidera rin nila ang kanilang mga millennial audience. "The show, if you will notice, we feature many of our young artists. Meron rin kaming mga viral stories, marami rin kami."
Idinaos ang press conference para sa 5th anniversary ng "Magpakailanman" nitong Martes sa GMA Network.
Natanong din kay Tita Mel kung mayroon ba siyang personal na media account.
Pero saad niya, hindi sapat ang oras niya para sagutin ang mga mensahe at komento sa social media, at wala rin daw siyang planong kumuha ng tagasagot para sa kaniyang account.
"I think sa GMA Network and GMA Foundation [meron]. Personally wala eh.," saad niya. Nakatuon daw ang oras ni Tita Mel sa trabaho gaya ng Kapuso Foundation, na nagsasagawa ng mga programa at proyekto para tumulong sa mga nangangailangan at sa komunidad.
"Tutal 'yung activities ko naman, nalalagay sa GMA Kapuso Foundation, iba niyan, sa GMA Network," paliwanag niya.
Naniniwala rin si Tita Mel na posibleng mayroon din mga taong pumupuna at bumatikos sa kaniya pero hindi na raw niya pinapansin ang mga ito.
"Siguro meron. Wala pa naman 'yung 'halo' [limbo] ko eh. Meron ding nangba-bash sa akin, I don't know, but I don't care," aniya.
Mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation
Bilang Executive Vice President and COO ng GMA Kapuso Foundation, nagkuwento si Tita Mel tungkol sa kanilang mga ongoing project, lalo na ang Rebuild Marawi Project sa Marawi City.
"Mayroon kaming Rebuild Marawi Project, building schools, kaya lang ang problema hanggang ngayon hindi pa natin alam kung paano because we first need to get the go signal from the government as to the overall rebuilding plan that they have," saad niya.
Patuloy niya, "Hindi naman kami puwedeng we just go in there and start building, hindi puwede. Ang latest balita namin, medyo matatagalan because, alam niyo, kahit na-recover na nila ang Marawi marami pa silang mga nakikitang mga IEDs, 'yung mga explosive devices doon. At marami pang strugglers na nandoon. So hindi pa rin talaga makagalaw nang mabuti. That's one."
Bukod pa rito, nagbibigay din daw sila ng mga prosthesis para sa mga sundalong naputulan ng kanilang mga kamay at paa.
"We have another project basically with the debilitated soldiers. Dadaan kami, binibigyan namin sila ng mga prosthesis... we have an agreement with another NGO based in the United States na magpo-provide ng mga prosthesis. Kami naman, we'll take care of the logistics from here," dagdag pa niya.
Binanggit din ni Tita Mel ang kanilang Kapuso Villlage Tacloban na naipatayo sa nabanggit na lugar.
"Of course we have done a lot of relief and medical operations. 'Yung bridges hindi sa Marawi 'yun, sa Camarines Sur. We have done a lot of schools, you know, something like 600 all over the Philippines. We have about six or seven Kapuso villages, pinakamaganda 'yung sa Tacloban namin. Ipagyayabang ko na, it was the first concrete residential village na natapos sa Tacloban," kuwento niya.
Proud daw si Tita Mel na maraming natulungang mga kababayan ang foundation at makikita ang resulta ng mga proyekto na mula sa tulong at donasyon ng mga tao.
"Ang sa amin nakatindig na, , tapós na, tinitirahan na. It's a community. In the center of the community is a 24-classroom integrated school. So we are very proud of our project," ayon kay Tita Mel kasabay ng pasasalamat sa mga taong nagtitiwala sa kanila.-- FRJ, GMA News
