Humihingi ng hustisya ang pamilya ng 19-anyos na binata na nakitang inundayan ng saksak sa isang rambulan sa pagitan ng ilang mga kabataan sa Barangay 462 sa Sampaloc, Maynila.

Sabi ni Daisy Hernandez, ina ng biktimang si Daniel, sa ulat sa Unang Balita nitong Biyernes ni Katrina Son, na nais niyang pagbayarin ang magkakapatid na umano'y sumaksak sa kaniyang anak sa ginawa nilang krimen.

"Sana nararamdaman nila 'yung ginawa nila sa anak ko. Nararamdaman nila 'yung nararamdaman ko, 'yung mga kapatid ng anak ko," sabi nito.

Ang matalik na kaibigan ni Daniel na si Bren Guinto ay humingi rin ng katarungan para sa kanyang pagkamatay nang inalala niya ang kaibigan niya sa burol nito.

"Pagbayaran niyo sana 'yun kasi 'di pwedeng ganun-ganun na lang. Kasi buhay ng kaibigan ko 'yun. Saka may pangarap pa siya sa buhay, eh. Tsaka inosente siya," sabi ni Guinto.

Malambing, tahimik, at mabait na anak daw si Daniel, na isang third year marketing student sa National University.

Hindi raw ito napasasali sa gulo, kaya't higit na ikinalungkot ni Hernandez nang narinig niya kung paano nanlaban ang kanyang anak upang hindi siya masaksak sa gulong nakuha sa CCTV camera. Nagtamo ng apat na saksak sa katawan si Daniel.

"Nakatayo pa daw 'yung anak ko. Talagang nanlalaban siya. Pinaglalaban niya 'yung buhay niya. Pero hindi. Sinaksak pa nila ulit 'yung anak ko. Andaming tama nu'ng anak ko," aniya ng ina.

Nagsimula umano sa masamang tinginan ang rambulan na humantong sa pagkamatay ni Daniel.

Sumuko na ang magkapatid na 19-anyos at 16-anyos na mga suspek.

Pinag-aaralan pa ng pulisya ang maaaring isampang kaso sa kanila. —Rie Takumi/KG, GMA News