"Wala na si Daniel... wala na ang anak ko."
Labis ang dalamhati ni Daisy Hernandez para sa 19-anyos na anak na si Daniel, na napatay sa Sampaloc, Maynila noong Miyerkules.
Naglabas ng sama ng loob si Daisy sa ulat ni Katrina Son sa "24 Oras" nitong Biyernes.
"Sorry anak kasi, sabi ko, hindi ko naipagtanggol bilang ina, diyos ko. Alam mo, 'yung mawalan ka ng anak, napakabigat. Kahit sinong ina, hindi kayang tanggapin," aniya.
Napuno ng mga kaklase at kaibigang nakikiramay ang lamay ni Daniel, na third-year na estudiyante sa National University.
Namatay sa saksak si Daniel matapos na magrambol ang ilang kabataan sa Maynila. Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Chief Inspector Rommel Anicete, hepe ng Homicide Division ng Manila Police District, na nagsimula daw ang gulo sa masamang tinginan ng dalawang panig.
"Nakatayo pa daw 'yung anak ko. Talagang nanlalaban siya. Ipinaglalaban niya 'yung buhay niya, pero hindi, sinaksak pa nila ulit 'yung anak ko. Ang daming tama ng anak ko," ani Daisy.
Nakilala naman ng pulisya ang mga suspek sa krimen na isang 19-anyos rin at kapatid niyang 16-anyos. Para kay Daisy, dapat lamang pagbayaran ng dalawang suspek, na sumuko na sa otoridad, ang kanilang nagawa. —JST, GMA News
