Nasubok ang tigas ng paninindigan ng mga operatiba ng Metro Manila Development Authority sa kanilang clearing operation nang iyakan sila at hindi tantanan ng isang lola na nagtitinda ng plastic drum sa gilid ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Huwebes, sinabing kinumpiska ng MMDA ang mga panindang drum ng matanda dahil nakahambalang ito sa daanan sa bangketa.
Pero hindi nilubayan ng matanda ang MMDA at lumambitin pa sa trak kung saan isinampa ang kaniyang mga drum na kinumpirma.
Umiiyak niyang ipinaliwanag na tagapagbenta lang siya ng drum at wala siyang ipang-aabono sa mga ito sa tunay na may-ari kapag kinuha ang mga produkto.
Naunawaan at pinagbigyan naman ng MMDA ang pakiusap ng matanda kaya ibinalik sa kaniya ang mga drum. Pero binilinan nila ang lola na huwag nang ihambalang sa daanan ang mga drum para hindi na muling kumpiskahin.
Sa naturang ulat, sinabi umano ng MMDA na hindi siya nagpakita ng kahinaan sa sitwasyon ng matanda. Sa halip, binalanse lang daw nila ang pagpapatupad ng batas at pagbibigay ng malasakit.
Matatandaan na naging viral kamakailan ang video sa paghakot ng mga taga-MMDA sa panindang buko ng isang lalaki na nauwi pa sa kaguluhan.
Samantala, ilang sasakyan muli ang hinatak ng MMDA sa Commonwealth dahil iligal na nakaparada. Ilang gamit din sa nagpapa-carwash ang hinakot. -- FRJ, GMA News
