Patay ang isang ama at dalawa niyang anak matapos na masunog ang kanilang bahay sa Cavite. Ayon sa pulisya, mismong ang ama ang nagsunog sa bahay at hinarangan pa ang pinto para hindi sila masagip.



Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Miyerkoles, sinabing lumitaw sa imbestigasyon na lasing ang ama na si Gerymill Manaog nang mangyari ang trahediya.

Bago ang silaban ang kanilang bahay sa General Trias sa Cavite, nakipagtalo pa umano si Manaog sa kaniyang kinakasama nitong madaling araw ng Martes.

Kasamang nasawi ng ama ang dalawa niyang anak na si Gerymilee, 2-anyos, at Gerymaya, isang-taong-gulang.

Ayon sa pulisya, ikinandado ng suspek ang pintuan ng bahay at hinarangan ng appliances para walang makapasok.

Napag-alaman na bago ang krimen, nagbanta ang lasing na suspek na papatayin ang ka live in niyang si Clarita Boca De Vega at ang 7 taong gulang na anak nitong babae, saka nagkulong sa loob ng bahay kasama ang dalawang anak

Nagawa pa umanong humingi ng tulong sa barangay ang ina ng mga bata pero sadyang hindi umano mapasok ang bahay.

Sinubukan din umano ng mga awtoridad na pakiusapan ang ama pero nagmatigas ito hanggang sa tuluyang lamunin ng apoy ang bahay.


Selos ang isang anggulo na tinitingnan dahilan ng mga awtoridad kaya nagawa ng sinunog ng ama ang bahay at idinamay ang dalawang anak.

Ayon kay SPO1 Fruelan Manic, case investigator, General Trias Police, naunang humiling ang suspek sa kaniyang kinakasama na sumiping pero hindi siya pinagbigyan kaya nauwi ang usapan sa pagdududa na may ibang lalaki na ang babae. 

Nang magbanta umano ang suspek na papatayin siya, umalis ng bahay ang babae at naiwan sa bahay ang mga anak.

Nagawa namang makaligtas sa trahediya ang isa pang anak na babae ng biktima na nakalabas ng bahay bago silaban ng ama ang kanilang tahanan.

Napag-alaman din sa mga kapitbahay na galing sa inuman ang suspek bago makipagtalo sa kaniyang kinakasama.-- FRJ, GMA News