Ikinagulat ng ilang Pinoy sa Hong Kong nang magkaroon ng hinihinalang sinkhole sa kalye ng tinatawag na "ladies night market" na isa sa mga madalas puntahan ng mga turista.
Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Miyerkoles, sinabing bilihan ng souvenir items ng mga turista ang lugar tulad ng mga damit, bag, sapatos at iba pa.
Ayon sa ilang Pinoy sa lugar, nakita na lang nilang nitong Miyerkoles ng umaga na may umaagos na tubig sa kalye na inakala nilang sanhi lang ng pumutok na tubo ng tubig.
Pero kinalaunan, laking gulat na lang nila nang lumaki pa ang butas ng halos dalawang metro kaya hindi madaanan ng mga tao.
Hindi pa umano tukoy ang sanhi ng hinihinalang sinkhole.
Sa Lin'an district naman sa Hangzhou, Zhejiang Province sa China, nagkaroon din ng malaking sinkhole at tatlong sasakyan ang nahulog sa may 10 talampakang lalim na butas.
Nakunan pa ng video ang insidente kung saan may ginagawang paghuhukay na ipinatigil muna dahil sa nangyari.
Masuwerteng wala namang nasaktan sa naturang insidente.--FRJ, GMA News
