Matapos isapubliko ang kanilang relasyon noong nakaraang buwan, inamin ni Kapuso star Rocco Nacino na hindi pa gaanong sanay sa kaniyang buhay showbiz ang girlfriend na si Melissa Gohing tulad sa mga proyekto na kailangan niyang maghubad.

Ayon kay Rocco, "overwhelmed" daw si Melissa dahil sa muli niyang pagpapaka-daring sa "Oh Boy! Oh LOL!" concert na gaganapin sa Mayo 18, 2018 sa Music Museum, Greenhills, San Juan City.

"Actually, hindi pa siya sanay sa environment ko, sa trabaho ko, so medyo na-o-overwhelm pa siya sa mga ito. Sa Bench nga 'yung teammates niya talaga 'yung nagwala," sabi ni Rocco sa bloggers' conference ng concert nitong Martes.

Tinutukoy ni Rocco ang isang fashion show na kaniyang sinalihan noong nakaraang taon na halos makita na ang kaniyang "behind."

Pero sabi ni Rocco, suportado siya ng kaniyang girlfriend at tiyak siyang pupunta ang dalaga sa kanilang concert.

"I'm sure she's gonna be there, kaso alam ko may game siya that day so hahabol siya. But the fact that she wants to go means a lot to me. Malaman ko na supportive siya, malaking bagay na para sa akin 'yun," saad ng aktor.

Sinabi pa ng aktor na suportado rin nila ang isa't isa sa sports na kanilang kinahihiligan.

Nalilinya si Rocco sa martial art Jiu-Jitsu, habang sa volleyball naman si Melissa.

"Nagtutulungan kami. That's how we push each other to reach our goals and to make ourselves 100% talaga," anang aktor.

Dahil dito, unti-unti na ring nakukuha ni Rocco ang mga rules at terms sa volleyball.

"Siya nakanood na rin, ako nakakanood na rin ako. Ngayon alam ko na 'yung mga terms sa volleyball at kung paano siya laruin. Nakakatuwa, marami na ring nagmamahal sa sports ngayon," aniya.

Nag-e-enjoy din daw si Rocco sa kaniyang pribadong relasyon kay Melissa.

"It's way, way different, sobrang layo po niya, and I really enjoy this one talaga. Talagang tini-treasure ko towards quiter. Magkaibang field kaya lagi kaming may pinag-uusapan. Lagi kaming may na-e-explore sa trabaho ng isa't-isa, and mas healthy para sa akin," paliwanag niya.

Natutuwa rin si Rocco na tanggap ito ng kaniyang fans.

"Mas marami ang rumerespeto sa decision ko, sa private life ko. Sa totoo lang, wala naman masyadong namba-bash eh, wala masyadong nanggugulo. Mas masaya pa nga sila na masaya ako," pahayag ng aktor.-- FRJ, GMA News