Nilinaw ng Malacañang nitong Lunes na mananatili ang deployment ban ng mga OFW sa Kuwait habang walang memorandum of understanding na pinipirmahan ang Pilipinas at ang nabanggit na bansa sa Gitnang Silangan.

Ginawa ni presidential spokesperson Harry Roque ang paglilinaw sa pulong balitaan kaugnay ng naunang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na permanente nang ipagbabawal ang pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait.

"What the President announced is the maintenance of the status quo. Until we have reached or signed a memorandum of [understanding], providing for the minimum terms and conditions of employment of our nationals, the deployment ban stays," sabi ni Roque.

"Now, is this permanent, as reported by some media outfits? Well, let's just say it stays right now because the precondition set by the President is really the signing of that memorandum of [understanding]," dagdag niya.

Ayon pa kay Roque, magtutungo sa Kuwait sa Mayo 7 sina Labor Secretary Silvestre Bello III at ilan pang opisyal ng Gabinete para talakayin sa mga opisyal ng Kuwait ang pirmahan ng kasunduan.

Sabi pa ng opisyal, patuloy na pangangalagaan ang kaligtasan ng mga OFW, at nananatili ang diplomatikong ugnayan ng Pilipinas at Kuwait.

"Kuwait also is duty-bound to protect aliens under the standards dictated by international law, under terms and conditions, which are not inferior to the way that they treat their own nationals," paliwanag niya.

Sabi ni Roque, hindi na hahayaan ng administrasyong Duterte na maulit ang sinapit ni Joanna Demafelis, ang OFW na hinihinalang pinaslang ng kaniyang mga amo sa Kuwait at itinago ang kaniyang bangkay sa freezer.

"Prayoridad ng Presidente na bigyan ng proteksyon ang ating mga mamamayan na nagtatrabaho sa iba't ibang parte ng daigdig. So, non-negotiable 'yan," giit niya.

"Puwede tayong humingi ng abiso sa iba't ibang bagay na nagawa natin, pero hindi tayo hihingi ng abiso doon sa pagprotekta sa ating mga mamamayan. Hinding-hindi na natin papayagan ang another Demafelis," patuloy niya.

Nilinaw din ni Roque na ang panawagan ng pangulo sa mga OFW sa Kuwait na umuwi.

"Sabi nga ni Presidente, 'yung mga propesyunal, kung nais niyong mag-stay diyan, mag-stay kayo diyan. Yung mga skilled workers, kung nais niyong mag-stay diyan, mag-stay kayo diyan," ayon sa kalihim.

"Pero ang pakiusap ko nga, sense of patriotism, dahil sa Build, Build, Build, kailangan din natin ng mga skilled [workers]," sabi pa niya.— FRJ, GMA News