Nagkalat sa kalsada ang mga duguang katawan ng mga biktima sa
salpukan ng isang closed van at isang truck sa Santa Cruz, Davao del Su na nagresulta sa agad na pagkasawi ng 12 katao.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing nangyari ang trahedya sa highway sa Sitio Lantawan sa nabanggit na bayan ng Davao del Sur nang mag-overshoot umano sa kurbadang bahagi ng kalsada ang van at bumangga sa kasalubong na trak na may kargang mga bakal.
Ilan umano sa mga biktima ang halos hindi na makilala dahil sa tindi ng tinamong mga sugat at nagkalasog-lasog ang katawan ng iba pa.
Batay sa pulisya, 12 kaagad ang nasawi sa insidente, habang lima naman ang kritikal ang kalagayan.
Ang mga nasawi, binuhat ng mga rescuer at mga taong tumulong at inilagay sa gilid ng kalsada at saka tinakpan ng dahon ng saging.
Naging pahirapan naman ang pagtanggal sa mga naipit sa nadisgrasyang van, na mga trabahador ng isang kumpanya ang mga sakay.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente para alamin kung sino ang dapat managot sa nangyaring trahedya. -- FRJ, GMA News
