Bugbog at palo ang inabot ng isang lalaking sangkot umano sa panghahalay sa isang 17-anyos na dalagita sa San Mateo, Rizal.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa 24 Oras nitong Lunes, kinilala ang suspek na si Marco Maladaga, 28-anyos at isang kunduktor ng pampasaherong jeep.
Makikita sa kuha ng CCTV sa Barangay Sta. Ana na hinahabol si Maladaga ng grupo ng mga kalalakihan na may bitbit na malalaking tipak ng bato at dos por dos. Kasunod din ang mga tanod ng barangay na sakay ng motorsiklo.
Nakorner ng mga residente at awtoridad si Maladaga sa Barangay Ampid. Nagtangka pang tumakas ang suspek subalit hindi na siya nakawala sa kamay ng mga barangay tanod.
Ayon sa ulat, aabot sa 100 residente ang sumugod sa barangay. Nahinto lamang ang pagkuyog sa suspek nang mamagitan na ang kapitan ng barangay.
Positibo ring itinuro ng biktima si Maladaga na nanghalay sa kanya.
"Siya 'yung nakahubad lang sa jeep na 'yun... nagpumiglas siya Sir na makatakas. Natumba siya kaya namin siya nahuli," sabi ni Joean Porton, isa sa mga barangay tanod na humabol kay Maladaga.
Samantala, bukod kay Maladaga, itinuro din ng biktima ang isa pang suspek na kinilala bilang si Marcelo Uliabe, 24-anyos na kapatid raw ng kasintahan ng dalaga. Ayon sa biktima, halinhinan siyang pinagsamantalahan ng dalawang suspek.
Bago maaresto si Maladaga, nakatakas naman si Uliabe mula sa mga awtoridad.
Itinanggi naman ni Maladaga ang ibinibintang laban sa kanya.
"Hindi po, hindi po ko nakisali. Kung nakisali po ko eh di umalis na din po ako doon," sabi ng suspek.
Nahaharap sa reklamong rape in relation to Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 ang mga suspek.
Patuloy namang tinutugis ng awtoridad si Uliabe. —Anna Felicia Bajo/NB, GMA News
