Pinagbawalang lumabas ng bansa sina dating Senate President at kasalukuyang senador na si Francis Escudero, gayundin ang negosyanteng si Maynard Ngu, matapos maglabas ng precautionary Hold Departure Order (PHDO) ang Sandiganbayan Sixth Division laban sa kanila. Ang dalawa ay iniimbestigahan dahil sa umano’y plunder, graft, at indirect bribery na may kinalaman sa iskandalo ng flood control projects.

Bago nito, una nang naglabas ng PHDO ang anti-graft court laban kay dating Speaker Martin Romualdez tungkol din sa flood control issue.

Tatlong linggo bago nito, inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na inihahanda ng kanilang prosecutors ang plunder case laban kina Escudero at Romualdez.

“We have been seriously preparing a case [for] plunder against former Speaker Martin Romualdez and former Senate President Chiz Escudero. There’s conspiracy involved,” pahayag ni Remulla sa isang press conference nitong Lunes.

“This [case] is flood control related in so many ways,” dagdag niya.

Nauna nang sinabi ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary at state witness na si Roberto Bernardo na sa pamamagitan ni Ngu, nagpasok siya ng 20% o humigit-kumulang P160 milyon mula sa tinatayang P800 milyong halaga ng mga proyektong isinama para sa Valenzuela City sa ilalim ng General Appropriations Act o pambansang budget.

Ayon kay Bernardo, para umano kay Escudero ang P160 milyon.

Inilarawan ni Bernardo si Ngu na “close friend,” at personal umano niyang dinala sa opisina nito sa Manila ang pera.

Sa kaniyang sinumpaang salaysay, sinabi rin ni Bernardo na campaign contributor at malapit na kaalyado ni Escudero si Ngu.

Gayunman, itinanggi ni Ngu ang alegasyong sangkot siya sa kickback sa flood control projects.

Dati na ring itinanggi ni Escudero ang mga alegasyon ni Bernardo laban sa kaniya. -- Llanesca T. Panti/FRJ GMA News