Pinagtibay ng Korte Suprema ang nauna nilang desisyon na patalsikin bilang Punong Mahistrado si Maria Lourdes Sereno matapos na ibasura ang kaniyang apela nitong Martes.

Tulad sa nangyaring botohan noong Mayo 11 nang patalsikin siya sa puwesto, 8-6 din ang naging boto sa pagbasura sa kaniyang petisyon na humihiling na baliktarin ang naunang desisyon.

Si SC spokesperson Theodore Te ang nagbigay ng impormasyon sa media tungkol sa naging desisyon.

Napatalsik si Sereno sa puwesto matapos na katigan nang higit na nakararaming mahistrado ang inihaing quo warranto petition ni Solicitor General Jose Calida.

Sa naturang petisyon, kinuwestiyon ni Calida ang integridad ni Sereno na pamunuan ang SC dahil sa hindi umano pagsusumite ng kompletong Statement of Assets Liabilities and Net worth nang mag-aplay siya sa naturang pinakamataas na posisyon ng SC.

Bukod naman sa pinabulaanan ni Sereno ang alegasyon ni Calida, iginiit din ng kaniyang kampo na hindi siya maaaring paalisin sa puwesto sa pamamagitan ng quo warranto dahil ang katulad niyang "impeachable" official ay dapat lang na mapatalsik sa pamamagitan ng impeachment proceeding, na itinatakda umano sa Konstitusyon.

Sa kabila ng desisyon ng SC, sinabi ng isa sa mga tagapagsalita ni Sereno na na hindi na sila nagulat sa pagbasura sa kanilang apela.

"We were not surprised by the final result of the SC decision but we remain convinced that the decision is unjust and will be questioned by the people for a long time to come," saad ni Jojo Lacanilao, sa ipinadalang text message sa mga mamamahayag.

Dagdag pa niya, ang susunod na hakbang ni Sereno, "is to vacate her office and continue to be the voice for the people."

Makasaysayan ang nangyari kay Sereno dahil siya ang unang babae na naging punong mahistrado at unang punong mahistrado na napatalsik sa pamamagitan ng quo warranto petition.-- FRJ, GMA News