Patay sa ambush ang isang guro ng Arabic sa Zamboanga City nitong gabi ng Martes, ayon sa ulat ngayong Miyerkules ni Luisito Santos sa Dobol B sa News TV.

 

 

Ayon sa mga ulat na nakarating sa Camp Crame, naka-angkas daw sa motorsiklo ang guro na si Ibrahim Baginda kasama ang kanyang batang anak sa Barangay Talon-Talon nang pagbabarilin siya ng mga suspek.

Namatay agad ang gurong nakatira sa Masjid Abu Bakr dahil sa mga tama niya sa katawan habang nakaligtas ang kanyang anak na babae.

Ang dalawang suspek na riding-in-tandem ay naka-helmet at itim na jackets.

Narekober ng pulisya ang 24 na bala ng 9-mm na baril sa lugar ng krimen.

Hindi pa natutukoy ng pulis ang motibo sa likod ng pagpatay o ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Tumakas ang mga ito patungong Don Alparo Street matapos ang pamamaril. —Rie Takumi/KG, GMA News