Wala nang buhay nang matagpuang sa tinutuluyan niyang boarding house sa Davao City ang 22-anyos na kolehiyala na buntis.

Sa ulat ni Sheillah Vergara Rubio sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing nakita ang bangkay ng kolehiyala sa loob ng nirerentahan niyang kuwarto sa Barangay 76-A sa Davao City.

Napag-alaman na pitong buwan nang buntis ang biktima at may mga gamot na pampalaglag na nakita sa loob ng kaniyang kuwarto.

May nakita ring text messages sa cellphone ng biktima na nakasaad na sinabihan niya ang kaniyang karelasyon na ilalaglag niya ang sanggol sa kaniyang sinapupunan.

Posible raw na may nainom nang gamot ang biktima na naging dahilan din ng kaniyang pagkamatay.

"Nakita natin sa cellphone sa communication ng magkasintahan, pinigilan ng lalak ang babae na inumin ang gamot. Posibleng ininom niya at nahirapan siyang maipalabas ang bata kaya nangyari 'yon sa kaniya," sabi ni P/Chief Inspector Ronald Lao, hepe ng Talomo police.

Wala naman nakikitang nakitang foul play ang pulisya sa pagkamatay ng kolehiyala o nagpilit sa kaniya na inumin ang gamot.--FRJ, GMA News