Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tinutulungan ng embahada ng Pilipinas sa Tokyo ang 26-member tour group na galing sa Pilipinas na unang napaulat na na-trap sa kanilang hotel sa Sapporo kasunod nang magnitude 6.7 na lindol na tumama sa Japan.

Sa pahayag ng DFA nitong Huwebes, sinabing ipinaalam ni Ambassador to Japan Jose Laurel kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na ligtas ang lahat sa naturang grupo.

Nakikipag-ugnayan umano ang embahada sa grupo para matiyak na mayroon silang pagkain, tubig at matutuluyan hanggang sa maging ligtas na ang sitwasyon para makaalis sa Sapporo.

Patuloy din umanong sinusubaybayan ng embahada ang ang kalagayan ng 1,800 miyembro ng Pinoy community sa Sapporo, at ilan pang lugar sa Hokkaido na naapektuhan ng lindol.

Gagawin umano ito ng embahada kahit inihayag ng mga awtoridad sa lugar na walang Filipino na nasawi o nasaktan sa nangyaring kalamidad.

Ayon pa kay Laurel, naibalik na ang suplay ng kuryente sa Sapporo at bukas na rin ang mga convenience store at mga iba pang mahahalagang establisimyento.

Sa mga Filipino na naapektuhan ng lindon, maaari silang makipag-ugnayan sa embahada sa numero: +8180 4928 7979.

Ang mga kaanak naman nila na nasa Pilipinas ay maaaring makipag-ugnayan sa Office of Migrant Workers Affairs sa (+632) 834-4996 at oumwa@dfa.gov.ph sa oras ng trabaho at DFA Action Center +632 834-3333 or 834-4997 pagkatapos ng office hours. -- FRJ, GMA News