Patay ang isang babaeng OFW matapos siyang magulungan ng isang armored van sa kahabaan ng P. Ocampo Street sa Malate, Maynila.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa 24 Oras nitong Huwebes, makikita sa video na nakatawid na bago mabundol ang biktimang isa palang OFW bago ito pumailalim sa umabanteng sasakyan. Naitakbo pa sa ospital ang biktima ngunit kalauna'y binawian rin ito ng buhay.

Ayon sa punong barangay na si Jaime Adriano, nakulong na ang nakabanggang driver.

Sana raw ay magsilbing babala ang nangyaring insidente para sa publiko.

"Parehas may mali eh. 'Yung babae nagmamadali siguro, hindi siya napansin. Ang armored car kasi, limited din ang kuan no'n (view) sa harapan e. Pinakamaganda talaga ang jaywalker at saka ang mga driver, parehong mag-iingat." sabi ng opisyal.

Nitong Hunyo, patay ang isang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) constable na si Maricel Gammad matapos mabundol ng isang armored van.

Armored van din ang nakasagasa sa isang bata sa Davao City nitong Mayo. Hindi raw napansin ng driver ang batang nasawi dahil sa insidente.

Pinag-aaralan ng MMDA ang pag-regulate at pag-monitor ng armored vehicle. — Margaret Claire Layug/BAP, GMA News