Tatlong tricycle driver ang nasawi, habang isa pa nilang kasamahan ang kritikal ang kalagayan, nang araruhin sila ng isang pick-up habang nakaparada sa gilid ng highway sa Sta. Cruz, Davao del Sur.

Sa ulat ni John Paul Seniel sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, kinilala ang mga nasawing biktima na sina Eddie Ganman, Norven Sandoy, at Artemio Udasco.

Malubha naman ang kalagayan ng isa pa nilang kasamahan na si Elesio Ugdamin Jr.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nakatigil sa gilid ng highway sa Barangay Inawayan sa Sta. Cruz ang mga biktima habang naghihintay ng kanilang pasahero at susunduin sa eskwelahan nang salpukin sila ng pick-up truck na minamaneho ni Police Officer 1 Avelino Alge.

Nakatalaga si Alge sa Alamada, North Cotabato at patungo umano sa Davao City nang may iwasan itong isang tricycle na biglang tumawid kaya nasalpok ang mga nakatigil na mga tricycle sa gilid ng highway.

Nangako naman umano ang pulis na tutulungan ang pamilya ng mga biktima.
Dahil sa nangyaring insidente, nanawagan ang mga awtoridad sa mga tricycle driver na iwasan na ang pagbiyahe sa mga national highway.

Makabubuti rin umano kung sa loob na lang ng bakuran ng paaralan maghihintay ang mga sususundo sa mga estudyante.-- FRJ, GMA News