Patay ang isang lalaki na umano'y lasing sa Santa Rosa City, Laguna matapos siyang mahiga sa kalsada at masagasaan. Sa Bulacan naman, isang rider ang naputulan ng braso matapos matumbok ng truck.

Sa ulat sa GMA News TV "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Lunes, nakita sa kuha ng CCTV ang biktima sa Laguna habang pasuray-pasuray na paglalakad sa gilid ng kalsada.

Maya-maya lang, napunta na ang lalaki sa gitna ng kalsada at umupo hanggang sa tuluyang humiga.

Isang kotse ang dumating at hindi kaagad napansin ang nakahigang lalaki hanggang sa masagasaan niya.

Dead-on-the-spot ang biktima.

Ayon sa pamilya ng lalaki, binalikan naman ng driver ng kotse ang kanilang kaanak para tulungan.

Nangako na rin daw ang driver na sasagutin ang gastusin sa pagpapalibing ng biktima.

Samantala, naputulan naman ng braso ang rider na si Rodelio Magtalas nang mahagip siya ng truck sa Maharlika highway sa Plaridel, Bulacan.

Ayon sa isang saksi, isinugod sa ospital ang biktima pero sadyang matindi ang tinamong pinsala ng braso ng biktima.

Sabi ng pulisya, hindi raw napansin ng driver ng truck na si Mike Deodor ang nag-overtake na biktima kaya niya nahagip.

Nagkaayos na ang dalawang panig matapos magkasundong sasagutin ng nakadisgrasyang driver ang lahat ng gastusin ng biktima. --Dona Magsino/FRJ, GMA News