Sa isang iglap, nagbago ang buhay ng isang ginang na dating OFW nang bigyan siya ng "Eat Bulaga" ng bagong bahay at lupa, na kompleto pa sa gamit.
Sa "Eat Bulaga" nitong Lunes, ipinalabas ang panayam kay Josephine Fajardo na labis-labis ang pasasalamat sa "Eat Bulaga," at sa mga sponsor nito na nagbigay ng bahay at lupa na kompleto na sa kasangkapan kaya kaagad nilang natirhan sa Cavite.
Nitong nakaraang Sabado, si Josephine ang mapalad na nabunot ang pangalan sa espesyal sa segment na "Sugod-Bahay, Juan For All-All For Juan" sa Tanza, Cavite.
Dahil nitong Sabado rin lumipat ang "Eat Bulaga" sa bago nilang studio sa APT Studios sa Cainta, Rizal, mula sa Broadway Centrum sa San Juan, hindi lang ang mga dating premyo na cash at goodies ang natanggap ni Josephine.
Sa naturang panayam, napag-alaman na dating OFW sa Qatar si Josephine at nakaranas din siya ng pagmamaltrato sa kaniyang amo. Ang masaklap, nilayasan pa siya ng kaniyang asawa at sumama sa ibang babae.
Mula sa Tundo, Maynila, nalipat si Josephine at kaniyang mga anak sa Cavite na umuupa ng P500 sa munting bahay.
Ang pagtitinda ng fishball at samalamig ang kaniyang ikinabubuhay.
Nitong Lunes, ipinakita ang pormal na pagbibigay ng Lumina Homes ng susi ng bahay kay Josepine. Ipinasilip din ang loob at mga kasangkapan sa bahay.
Sabi ni Josephine, ipinagdasal niya na siya sana ang mabunot noong Sabado at nakalaking biyaya ang kaniyang nakamit.
Hindi na rin umano siya mangingibang-bansa muli para magtrabaho para lagi na niyang kasama ang kaniyang mga anak.-- FRJ, GMA News
