Pinaniniwalaan na galing kay Pangulong Rodrigo Duterte ang direktiba kay Budget Secretary Benjamin Diokno para hindi na dumalo sa gagawing imbestigasyon ng Kamara de Representantes tungkol sa umano'y mga "isiningit" na pondo sa panukalang 2019 national budget, ayon sa isang opisyal sa Palasyo.
Sa naging panayam ng ANC nitong Lunes, sinabi ni Diokno na posibleng hindi siya payagan na dumalo sa gagawing imbestigasyon ng Kamara na itinakda sa Enero 3 sa Naga City. Gayunman, hindi sinabi ng kalihim kung sino ang nag-utos sa kaniya na huwag nang dumalo.
"He was not allowed. There is only one who cannot make him go there. It's the President [Duterte]. So presumably it's coming from the President," sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo sa pulong balitaan nitong Martes.
"Perhaps the fear there is he might again be receiving the same rude treatment. And according to him, if the only question is, 'Do I know these people that they are claiming that I know like the contractor,' he said, 'I don't know them so I'll just execute an affidavit,'" dagdag ng opisyal.
Nananatili umano ang tiwala ni Duterte kay Diokno sa kabila ng mga panawagan ng mga kongresista na sibakin sa puwesto ang kalihim dahil umano sa pagpapalobo ng P75-bilyon sa pondo ng Department of Public Works and Highways nang hindi alam ng Pangulo at maging ng kalihim ng DPWH na si Mark Villar.
Hinihinala rin na konektado ang kalihim sa isang kontratista na nakakuha ng bilyung-bilyong kontrata ngayong taon.
Hindi umano ikinatuwa ng Palasyo at ng ilang kalihim ang ginawang pagtrato ng mga kongresista kay Diokno nang dumalo ang huli sa "Question Hour" noong Disyembre 11.
Ayon kay Panelo, maaaring tanggihan ng mga opisyal sa executive department ang mga imbitasyon ng congressional inquiry kapag, "the moment any sign of disrespect is given."
"I think the parties have learned their lesson. I don't think it will be repeated again. Members of Congress are honorable enough to know if they go overboard or not," sabi ni Panelo.
Nauna nang itinanggi ni Diokno na may anomalya sa pagdagdag ng pondo at inakusahan niya na ang P45 bilyon na road user's tax ang dahilan kaya umano siya ginigipit ng mga kongresista.
Sabi ng kalihim, nais ng mga kongresista na pahintulutan niya ang pagpapalabas ng naturang pondo ng road user's tax, ang buwis na nakokolekta sa mga motorista.-- FRJ, GMA News
