Timbog ang isang babae sa Zamboanga City matapos mahulihan ng P8.3 milyong halaga ng hinihinalang shabu nitong Linggo.

Ayon sa ulat sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, nasabat ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 1.2 kilo ng iligal na droga mula sa suspek na si Sophia Ibno.

Isang linggo umanong minanmanan ng mga awtoridad si Ibno bago tuluyang bumagsak sa ikinasang buy-bust operation.

Itinanggi ng suspek na sa kaniya ang mga nasabat na droga. Dinala lang daw ito ng kaniyang kaibigan at hindi nila alam kung sino ang may-ari nito.

Nasa kustodiya ng PDEA si Ibno habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. —Dona Magsino/ LDF, GMA News