Matagal nang pangarap ni Michael V. na maging scriptwriter, producer, aktor at direktor, at natupad ito sa pelikula niyang "Family History." Nagpaliwanag din ang comedy genius kung bakit si Dawn Zulueta ang kaniyang personal choice.

Sa ulat ni Nelson Canlas sa GMA News 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing maituturing ni Michael na "wish come true" ang bagong movie.

"Para siyang business card. I could have chosen an easier project to do. Pero ito, medyo makikita mo 'yung basics eh, para lang mapatunayan or maipakita sa mga tao na may kakayahan din tayo ng paggawa ng ganitong klaseng pelikula at 'yung pagwe-wear nu'ng hat na 'yon bilang direktor."

Huling ginawang pelikula ni Bitoy ang "Yaya and Angelina: The Spoiled Brat Movie" 10 taon ang nakararaan, na nag-comedy hit.

Ngunit iba ang mapapanood ng mga tao sa Family History.

"I'm pretty sure gusto nila 'yung comedy na comedy lang. Pero para sa akin, sayang 'yung opportunity eh na puwede kang magbigay sa kanila ng panibago na naman. Comedy pa rin, eto nandidito lahat ng gusto nila, pero may dinagdag nang konti," ani Bitoy. — Jamil Santos/DVM, GMA News