Sapul sa CCTV ang pagsalpok ng isang kotse sa motorsikong sinasakyan ng mag-asawa sa Parañaque City.
Ayon sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News TV "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Lunes, binabagtas ng mag-asawang sina John at Angel Bautista ang Quirino Avenue pasado alas-tres ng madaling araw noong Pebrero 27.
Makikita sa CCTV footage ang pagdaan nila sa lugar. Maya-maya pa, nakunan naman ng isa pang CCTV ang pagtawid sa intersection ng isang puting kotse.
Sinakop na nito ang linya ng mga kasalubong na sasakyan.
Maya-maya pa, tinumbok na ng puting kotse ang motorsiklo.
Tumilapon sa kalsada ang mga biktima. Ang masaklap, humarurot palayo ang nakabanggang sasakyan sa halip na huminto at tumulong.
Nabali ang kaliwang binti ng babaeng biktima.
Tinutugis pa rin ng mga awtoridad ang tumakas na driver ng puting kotse.
Panawagan ng mga biktima, sagutin ng suspek ang danyos sa mga pinsalang tinamo nila. —Dona Magsino/ LDF, GMA News
