Isang aso sa Bacolod City ang umuwi na paika-ika sa kaniyang amo at may nakabaon na bala ng pana sa kaniyang katawan.
Sa ulat ni Aileen Pedreso sa GMA Regional TV Ratsada Balita, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay 8, at nakita na lang ng fur parent na si “Cha-cha”, na nanghihina ang kaniyang alaga.
Paniwala ni Cha-cha, sinadyang saktan at targetin ang kaniyang alaga.
“Hindi ko alam kung saan galing. May nakapagsabi lang na may nakakabit na sa kaniya. Siyempre, naawa naman ako. Parang tao rin sila. Mabait naman siya,” ayon kay Cha-cha.
Tinulungan si Cha-cha ng mga kapitbahay para matanggal ang pana na nakabaon sa katawan ng aso, na patuloy naman na nagpapagaling sa tinamong sugat.
Hinala ni Cha-cha na posibleng ilang kabataan sa kanilang lugar ang may kagagawan ng insidente.
“Sabi ng barangay, posible na ganito nga. Sana hindi nila ginawa iyon sa aso,” saad niya.
Handa naman ang animal welfare groups na tumulong para matukoy ang nanakit sa aso.
Nagpaalala rin ang animal welfare advocate na si Lowella Marie Sanicas na may kaakibat na parusa sa ilalim ng Animal Welfare Act ang mananakit sa mga hayop.
“Under sa ating Republic Act 8485, bawal magsakit or mag-maltreat ng hayop, especially ang ating dogs and cats. Tayong mga tao, mas nakakaalam tayo compared sa hayop. Sana maging lesson ang nangyaring ito,” paalala niya. – FRJ GMA News
