Dahil unang beses nilang nagkatrabaho sa pelikulang "Family History," may nadiskubre raw si Michael V tungkol sa kaniyang leading lady na si Dawn Zulueta na dahilan para i-adjust niya script para sa karakter ng aktres. Alamin kung ano ito.

Sa Star Bites report ni Lhar Santiago sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing maayos ang takbo ng shooting ng naturang pelikula kung saan si Michael o Bitoy din ang writer at direktor.

Dahil first time ni Bitoy na magdi-derek ng pelikula, nakita raw niya ang kaibahan nito sa paggawa ng mga programa sa telebisyon.

"'Yung set-up for that matter, ano 'yun, mahirap pala talaga. Hindi pala ganu'n kabilis. Hindi kagaya nu'ng sa tv," sabi ng actor-director.

Sabi naman ni Dawn, "When I watch him working, he's the writer, he's the actor and the director, parang I'm like, sige, go Michael!"

Natatawang sinabi naman ni Michael kung ano ang nadiskubre niya tungkol kay Dawn. 

"May pagkaluka-luka pala 'to. Kaya 'yung script kailangan kong i-adjust accordingly," anang Kapuso comedy genuis.

Natatawang pag-amin naman ng aktres, "Pumipitik ako minsan, may pitik. Oo, short burst. He's so much fun to work with. I always got the sense that he's very brilliant, smart and you proved it."

Dahil tigil muna sa shooting ng "Family History sa Holy Week, inihayag ng dalawa kung saan ang destinasyon nila para magbakasyon kasama ang kaniya-kaniyang asawa.

"Switzerland. Oo, para mas maging sweet kami ng asawa ko," natatawang sabi ni Bitoy.

"Ako rin, short trip lang to New York with Anton," ayon naman kay Dawn.-- FRJ, GMA News