Hinahanap ng mga awtoridad ang mga lalaking nahuli-cam na nagrambol sa loob ng isang restaurant sa General Tinio, Nueva Ecija.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes, makikita sa kuha ng CCTV ng kainan ang pagkakagulo ng mga kalalakihan sa pintuan pa lang ng restaurant.
Kasunod na nito ang suntukan at nagkabatuhan pa ng mga upuan.
May napaakyat pa sa lamesa para makaiwas sa gulo.
Nangyari umano ang kaguluhan dakong 1:00 am nitong nakaraang Linggo.
Umalis din naman ang mga lalaki matapos ang rambulan bagaman naiwan ang mga sirang gamit at kalat.
Ipina-blotter na raw sa mga awtoirad ang naturang insidente. -- FRJ, GMA News
