Excited na nagkuwento si "Unang Hirit" host at "Eat Bulaga" dabarkads Luane Dy tungkol sa romantic proposal ng long-time boyfriend at aktor na si Carlo Gonzalez.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing nangyari ang proposal ni Carlo sa gitna ng fireworks display habang nasa Disneyland sila sa California.
Ayon kay Luane, noong una ay inakala niyang nagbibiro lang ang nobyo nang lumuhod ito para mag-propose.
"Hindi rin talaga ko makapaniwala na, 'ito na ba talaga 'yon? totoo ba 'to?' First reaction ko, parang, weh! seryoso. Nu'ng nilabas niya na 'yung ring, parang sabi ko, ay, shocks, totoo na nga," masayang pagbahagi ni Luane at ipinakita rin ang engagement ring.
Ngayong engaged na sila, pakiramdam daw ni Luane ay lalong gumanda at lumalim ang kanilang relasyon ni Carlo, na walong taon na niyang boyfriend.
"Iba 'yung happiness. Pati naman, pati kay carlo nakikita iba rin 'yung happiness. Mas malambing siya, mas maalaga siya, 'yung gano'n. Parang minsan nagdududa na nga ako, may kasalanan ka ba sa 'kin?," natatawa niyang sabi.
Plano raw nina Luane at Carlo na gawin ang kanilang kasal sa susunod na taon.
"Next year pa kuya Lhar. Ang plano niya December 2020, 'yon. Parang na-mention niya na parang sila nu'ng brothers niya, may tina-try silang i-arrange na church on top of the hill, 'yung sa Baguio," ayon kay Luane.-- FRJ, GMA News
