Hindi na naisalba sa ospital ang buhay ng isang limang-taong-gulang na bata sa Isabela, Basilan na pinagkakagat umano ng mahigit sampung aso.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes, sinabing dinala sa isang ospital sa Zamboanga City ang batang biktima pero binawian din ng buhay.

Bilang pagsunod sa tradisyon ng mga Muslim, inilibing na rin kaagad ang bata.

Napag-alaman naman na nagkakaubusan na rin ng supply ng bakuna sa rabies para sa mga hayop sa Zamboanga City.

Wala pa raw kasing dumarating na bagong supply ng animal rabies vaccine na magmumula sa local government unit at sa Department of Agriculture.

Nababahala rin ang lokal na pamahalaan ng zamboanga city dahil sa patuloy na pagdami ng mga taong nagkaka-rabies.

Mula Enero hanggang Mayo, dalawa na ang namatay sa lungsod dahil hindi agad dinala sa ospital para gamutin.-- FRJ, GMA News