Natagpuang patay at may tama ng bala sa ulo ang isang ginang kasama ang dalawa niyang anak sa loob ng kanilang bahay ang isang subdivision sa Parañaque City nitong Lunes.
Ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Martes, patay rin ang kanilang padre de pamilya na itinuturong suspek sa krimen.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo ng krimen, pero kuwento ng mga kasambahay ng pamilya, halos isang taon nang walang trabaho ang padre de pamilya na kinilala bilang si Manolo Benigno De Leon. Ayon naman sa pulisya, may problema raw sa pera ang mag-asawa.
Sa loob ng sasakyan sa kanilang garahe, natagpuang patay sa drivers' seat ang misis na si Diane.
Samantala, nakitang nakahiga sa sofa at wala nang buhay ang 14-anyos nilang panganay na si Margarita Sophia, habang sa kama sa master's bedroom naman nakahandusay ang 9-taon gulang niyang kapatid na si Miguel Lorenz.
Sa master's bedroom din natagpuang patay ang padre de pamilya.
Isang kalibre .45 na baril at apat na basyo nito ang narekober sa crime scene.
Ayon kay Police Colonel Rogelio Rosales Jr., hepe ng Parañaque Police, biniberika pa nila kung pagmamay-ari ng padre de pamilya ang natagpuang baril.
Kapag nakumpirma ito, ikokonsidera na nilang sarado na ang kaso.
Ayon pa kay Rosales, sinabi ng kapatid ng ginang na may firing hobby ang mag-asawa kaya tila normal na ang magkaroon ng baril sa kanilang bahay.—Margaret Claire Layug/Jamil Santos/KBK/FRJ, GMA News
