Isang buntis sa Taguig ang inirereklamo matapos umanong magsanla ng puwesto sa talipapa sa 60 katao pero hindi makabayad, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Lunes.

Nahaharap sa reklamong estafa si Reynalyn Dantes, na ang modus daw ay magsanla ng puwesto sa talipapa sa Barangay Signal Village.

May mga ipinakita pa raw na dokumento si Dantes para patunayan na siya ang may-ari ng stalls, pero ang mga dokumentong ito ay hawak din ng ibang tao.

"Personally po P124,000 yung sa akin pero karamihan po dito sa amin may mga umaabot ng P1 milyon, may umaabot ng P100,000," ani Angel Tinio, isa sa mga nagrereklamo.

Sa kabuuan, umaabot daw ng mahigit P20 milyon ang nakuha ng suspek, ayon kay Tinio.

Sa presinto nagkita-kita si Dantes at mga umano'y biktima niya na ang ilan ay hindi nakapagpigil magbitaw ng maaanghang sa salita laban sa kanya.

Tumangging magbigay ng pahayag si Dantes. —KBK, GMA News