Na-hulicam ang pamboboso ng isang lalaki sa babaeng nagsusukat ng swimwear sa isang mall sa Maynila, ayon sa ulat ni Mav Gonzales sa Unang Balita nitong Lunes.

Na-trauma man ang babae matapos ma-videohan habang nagsusukat sa fitting room, matapang niyang ginagamit ngayon ang social media para matukoy ang suspek

Sa CCTV footage ng tindahan, makikita ang biktima na pumasok sa fitting room noong October 30 ng gabi para magsukat ng swimsuit. Pagsara niya ng pinto, lumapit na ang lalaking suspek.

Kunwari lumuhod siya para magtali ng sapatos pero itinapat na pala ang cellphone sa loob ng fitting room.

"Nakailang sukat na ako ng swimwear. Pagyuko ko nakita ko may nakatapat na phone sa akin at nasipa ko pa palabas. Sumigaw ako ng 'bastos ka'," kuwento ng biktima.

Ipinost ng biktima ang CCTV footage sa Facebook para matukoy ang suspek.

Naipa-blotter na sa Manila Police District ang insidente.

Patuloy namang pinaghahanap ang suspek. —KBK, GMA News