Inamin ni Samantha Lopez, o mas kilala bilang ang showdown girl na si "Gracia" ng "Eat Bulaga," na nasa kolehiyo siya noon nang mawili at unahin ang pag-travel kaysa mag-aral.
Sa programang "Mars Pa More," ikinuwento ni Samantha na laging payo sa kaniya ng ina noon na tapusin ang kaniyang pag-aaral pero mas pinili niya ang mag-travel.
"At that time, first year college ako, I was in a group, Baranggay Folk Dance Troupe, tapos meron kaming trip sa Hawaii. Kami 'yung ambassador ng Philippines to represent the Philippine dance," kuwento ni Samantha.
"Hawaii 'yon, U.S., so nag-travel ako, eh ang sarap mag-travel. Sabi ko 'saka na muna 'yang studies kasi travel muna,'" dagdag niya.
Kalaunan, napagtanto ni Samantha na dapat unahin muna ang pag-aaral kaysa mag-travel.
"Unahin muna natin ang pag-aaral kasi magiging baon natin 'yun eh. Ang Hawaii nandiyan lang 'yan, hindi aalis. Kaya ipinamana ko 'yun sa anak ko," anang dancer.
Kabilang si Gracia sa mga naging guest sa ika-38 anibersaryo ng "Eat Bulaga" noong 2017.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
